Noong December 14, 2019 ay kusang loob akong tumulong sa pagrerepack ng mga relief goods kaugnay sa CAT Community Service namin. Galing ako sa pag-eensayo para sa contemporary dance para sa agham na MAPEH. Kahit pagod dahil galing sa pag-eensayo, ay hindi parin ito naging hadlang upang makatulong man lang ako kahit kaunti sa mga kapwa ko Pilipino na makatanggap sila ng kaunting tulong na ibinigay ng mga mag-aaral sa Divine Life Institute Of Cebu. Kahit sumasakit ang likod ko at mga kamay dahil sa pag-bubuhat ng mga de sakong relief goods ay parang bula namang nawala ang pagod, sa tuwing naiisip kong makakaramdam sila ng saya sa oras na matanggap nila ang kaunting tulong namin. Masarap sa pakiramdam na kasali ako sa pagrerepack ng mga relief goods (bundles of joy) dahil alam kong kahit kaunti lang ang naitulong ko ay naging parte parin ako sa paghahanda nito. Nakakalungkot isipin na marami sa mga kababayan natin ang naghihirap at hindi maka-ahon sa kahirapan dahil unang-una wala silang trabaho at dahil dito’y wala silang kita na magagamit para matustusan ang kani-kanilang pamilya. Kung may susunod pang pagkakataon ay gusto ko ulit tumulong lalong-lalo na sa mga mas nangangailangan. Mga taong walang matirhan, mga taong hindi makakain ng tatlong beses sa isang araw, at mga batang palaboy-laboy lang sa daan. Dahil tayong lahat ay pantay-pantay, tao rin na may pangangailangan. Kaya’t kahit sa kaunting tulong na maibigay ko sa mga kapos-palad ay gagawin ko. Balang araw sa paglaki ko ay gagawa ako ng kawanggawa upang makatulong sa mga nangangailangan. Tutulong ako sa DSWD o sa mga organisasyong nais rin tumulong sa mga kapos-palad. Upang sa ganun kahit ramdam parin nila ang kahirapan sa buhay ay may mga pagkakataon paring maari silang umiyak hindi sa mga problema kundi dahil sa labis na kaligayahan.
